LEGAZPI CITY- Pinangangambahan na magpatuloy pa sa mga susunod na araw ang aktibidad ng bulkang Mayon.
Ito matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang nasa 85 rockfall events sa nakalipas na magdamag.
Matatandaan na kagabi lamang ay nakunan ng mga instrumento ng tanggapan ang incandescent rockfall shed mula sa summit ng bulkan o ang pagdausdos ng mga nagbabagang bato.
Ayon kay Supervising Science Research Specialist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinatayang nasa 500 °C hanggang 800 °C ang init ng mga ibinubugang volcanic materials.
Dahil nagbabaga ang mga volcanic materials ay mas nakikita ang ‘glow’ o banaag nito tuwing gabi.
Aniya, mayroon pa ring indikasyon na may magma mula sa ilalim ang umaakyat paitaas kaya patuloy na pinag-iingat ang publiko at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6km radius permanent danger zone para sa kaligtasan ng mga ito.










