LEGAZPI CITY – Isinusulong ngayon sa kongreso ng isang kongresista ang resolution na naglalayong magsailalim sa ‘mandatory drug testing’ ang lahat ng kandidatong tatakbo sa 2025 midterms elections.
Ayon kay Albay 3rd District Representative Fernando Cabredo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tanging ang guidelines na lamang ng Commission on Elections (COMELEC) ang hinihintay upang masimulan ang pagtalakay nito sa Lower House.
Aniya, noong nakaraang araw ay nagpahiwatig na si COMELEC Chairman George Erwin Garcia ng pagsang-ayon sa nabanggit na resolusyon.
Kabilang umano sa tatalakayin ang gagawing hakbang upang matiyak na authentic o mayroong integridad ang magiging resulta ng drug tests ng mga tatakbo sa halalan.
Susunod din aniya ang Kongreso sa mga probisyon ng Omnibus Election Code at nakabatay sa Implementing Rules and Regulations na ilalabas ng ahensya.