LEGAZPI CITY—Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng kapulisan ilang araw matapos ang pamamaril sa broadcaster na si Adrian “Golden Boy” Loterte.
Matatandaang binawian ng buhay si Loterte matapos barilin ng hindi pa nakikilalang indibidwal sa Barangay San Roque, Daraga, Albay noong Lunes, Oktubre 12.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Spokesperson Police Major Kharren Formales, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, hindi lamang ang pulisya ng Albay ang naghahanap sa mga suspek kundi pati na rin ang iba pang pulisya mula sa iba’t ibang lalawigan.
Binigyang-diin niya na tinitingnan nila ang lahat ng anggulo upang malaman ang tunay na motibo ng pamamaril.
Kabilang din sa kanilang malalimang imbestigasyon ang pagtingin sa mga record upang makita kung nagpa-blotter ang biktima tungkol sa banta sa kanyang buhay pati na rin ang pagsasagawa ng eksaminasyon sa cellphone na narekober dito.
Nanawagan din sila sa sinumang nakausap ng biktima bago ang insidente tulad ng kung nakatanggap ito ng banta o anumang iba pang pananakot na ipaalam sa pulisya upang mabigyan sila ng lead kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
Samantala, nilinaw ni Formales na mayroon nang nakasuhan laban sa bumaril sa radio broadcaster na si Joey Llana noong 2018; bukod pa rito, nagsampa na rin ang prosekusyon ng criminal complaint sa pamamaril noong 2025 sa isa pang broadcaster na si Noel Samar, at kasalukuyang pina-follow up kung naihain na ito sa korte.
Nanawagan ang opisyal sa publiko na kung sinumang may impormasyon tungkol sa mga posibleng banta sa biktima o sa mga taong nasa likod ng pananambang ay dapat agad na ipaalam sa kanila upang mapabilis ang pagresolba sa insidente.
Tiniyak din nito na ang impormasyong ibibigay ay secure at ang kanilang mga pagkakakilanlan ay kumpidensyal.











