LEGAZPI CITY- Nilinaw ngayon ng isang abogadong mambabatas na hindi pa impeachable offence ang hindi pagsagot ni Vice President Sara Duterte sa pagtatanong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa pondo ng Office of the Vice President.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Jil Bongalon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na maaari lamang mapatalsik ang isang impeachable official sa pamamagitan ng culpable violation of the Constitution, treason, bribery, and corruption at betrayal of public trust.
Subalit ibang usapan na umano ang iregularidad sa paggamit ng Bise Presidente sa pondo ng Department of Education noong nagsilbi ito bilang kalihim at ang kwestyonableng paggastos sa confidential funds.
Kung mapapatunayan aniya na nagkaroon ng korapsyon ay posible itong maging grounds sa impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Ayon pa kay Bongalon na mas mainam na sagutin ni Vice President Sara ang pag-usisa ng mga mambabatas sa pondo ng Office of the Vice President lalo pa at pondo ito ng taong bayan.
Hangad rin ng mambabatas na magkaroon ng kortesiya ang bise presidente sa House of Representatives.
Samantala, iginiit ni Bongalon na hindi umano hahantong sa punto na haharangin ng mga mambabatas ang pondo ng opisina ng pangalawang pangulo sa kabila ng mga aksyon nito.