LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng isang political analyst na hindi kaduwagan ang hindi paglaban ng mga sundalo ng Pilipinas sa naging agresibong aksyon ng China habang nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Hunyo 17.
Sa naturang insidente, pitong sundalo ang lugadan habang isa ang naputulan ng daliri.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Francis Esteban, Associate Dean ng Institute of Arts and Science Faculty, Department of International Studies sa FAR Eastern University, mapapansin sa video na hindi gumamit ng anumang dahas ang mga tauhan ng Philippine Navy sa kabila ng pagtutok ng matatalim na bagas ng China Coast Guard.
Posibe kasi na isa itong estratehiya ng Pilipinas upang manalo sa public diplomacy.
Naniniwala si Esteban na sinusukat ng China kung hanggang saan ang pwedeng gawing aksyon ng Pilipinas upang ma-provoke at gumanit ng dahas.
Importante kasi aniya na manalo sa public diplomacy upang makuha ang simpatya at pagkonden ng ibang mga bansa.
Inirekomenda rin nito na magsama ng mga sibilyan sa pagsasagawa ng mga resupply mission dahil mas masisira pa ang imahe ng China kung sakali man na magsagawa ng agresibong aksyon.
Sa ngayon ay pabor ang political analyst sa hindi pagganti ng mga operatiba ng bansa sa mga harassment ng China Coast Guard bilang strategic actions.