LEGAZPI CITY- Hindi pa rin pinapagayan ng mga otoridad sa Morocco ang mga residente na bumalik na sa kanilang mga tahanan dahil sa pangamba ng aftershocks kasunod ng magnitude 6.8 na lindol na kumitil sa buhay ng 2,900 katao.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Jennifer Rada, na anim na taon ng nananatili sa bansa, 1960s pa ng huling magkaroon ng malakas na lindol sa Morocco kung kaya hindi nakapaghanda ang mga residente.
Karamihan din sa mga tahanan at gusali ay luma na at gawa lamang sa clay kung kaya mabilis na nasira dahil sa lindol.
Ayon kay Rada, naging tradisyon na ng mga Moroccans ang paggawa ng gantong klase ng tahanan na ang iba ay pamana pa ng kanilang mga ninuno kung kaya mababa ang kalidad.
Sa ngayon ay nagpapaabot na ng tulong ang ibat ibang mga bansa para sa rescue operations at pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng lindol.