LEGAZPI CITY – Pinigilang bumiyahe patungo sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Masbate ang higit 100 Locally Stranded Individuals (LSI) kaya’t stranded ang mga ito ngayon sa pantalan ng Pio Duran, Albay.
Kasunod ito ng direktiba mula sa provincial government ng Masbate na temporary suspension ng biyahe ng mga barkong Sta. Clara at Padre Pio upang isailalim sa quarantine ang mga tripulante.
Nabatid na ang mga ito ang sinakyan ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Aroroy.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Noel Ordoña, pumalo na sa kabuuang 152 ang mga stranded passengers na inaasahang madaragdagan pa.
Lulan umano ang mga ito ng pribadong sasakyan at walang alam sa naturang kautusan na epektibo noong Hunyo 29.
Kaninang umaga, personal rin na nag-inspeksyon si Mayor Alan Arandia sa lugar kung saan ipinag-utos ang paglalagay ng tents para sa mga hindi na nakapasok sa pasilidad ng Philippine Ports Authority (PPA) at Pio Duran Fish Port.
Itinayo rin ang mistulang One-Stop Shop sa lugar upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga pasahero mula sa Municipal Social Welfare and Development Office, Municipal Health Office at Philippine National Police para sa pagbabantay sa seguridad.
Bukod sa mga pasahero, naantala rin ang biyahe ng aabot sa 40 cargo trucks.
Napag-uusapan na rin ang posibleng option sa sitwasyon kung saan papalitan ang mga tripulante ng barko subalit aabot pa umano ng lima hanggang anim na araw ang hakbang.
Hiling rin ni Ordoña ang tulong ng Philippine Navy sa pagresolba ng sitwasyon.
Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang LGU ng Pio Duran sa mga opisyal ng Masbate para sa food assistance ng mga stranded lalo pa’t aminadong kinukulang rin ang pondo na pansagot sa mga pangangailangan ng mga LSIs sa nasasakupan. (with report from Bombo MJ Marcaida-Reblando)