LEGAZPI CITY—Aabot sa mahigit P600,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isang high-value individual sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Pawa, Tabaco City.
Ayon kay Tabaco City Police Station Chief of Police Lieutenant Colonel Edmundo Cerillo Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang suspek na si alyas “Boss”, isang electrician at residente ng nasabing lungsod.
Nakuha mula sa suspek ang 91.1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P619,480.00.
Matagal na umanong minamanmanan ang suspek at ilang beses na itong tinangkang arestuhin bago ito tuluyang madakip noong Martes, Oktubre 21.
Dagdag pa ng opisyal, dati nang nakulong ang suspek noong taong 2023.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tabaco CPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9185 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, mensahe ni Cerillo sa mga gumagamit ng iligal na droga ay hindi ito magdadala ng anumang magandang epekto sa kanilang kalusugan maging sa araw-araw na pakikitungo sa ibang tao kaya dapat aniyang iwasan na ang paggamit nito.
Binalaan din niya ang mga nagbebenta ng ilegal na droga na itigil na ang mga ganitong gawain at maghanap na ng ibang trabaho.
Aniya, kumikilos ang kapulisan upang mabawasan ang bilang ng mga taong nasasangkot sa paggamit ng ilegal na droga sa komunidad.