LEGAZPI CITY – Sako-sakong pirated DVDs at storage devices ang nakumpiska ng Optical Media Board (OMB) sa magkaugnay na operasyong isinagawa sa Albay.
Nasa 17 sako ng piniratang DVDs at 650 piraso ng storage devices na tinatayang aabot sa P3 million ang nasabat ng mga operatiba sa lungsod ng Legazpi.
Sa bayan naman ng Daraga, nasa 28 sako ng mga DVDs o P3.92 million ang nakuha ng mga otoridad.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Investigation Agent Joseph Arnaldo, team leader ng OMB Special Operations Division, nabatid na mismong si OMB chairman Atty. Anselmo Adriano ang nagsagawa ng surveillance, tatlong linggo bago isagawa ang operasyon.
Ipinadala rin ang dalawang agents para sa positibong test buy hanggang sa isinagawang raid.
Samantala, inihahanda na rin ang kasong administratibo na kakaharapin ng mga napag-alamang nagbebenta ng mga ito.
Payo naman ni Arnaldo na mag-iba na lang ng negosyo ang mga patuloy na gumagawa nito upang hindi maalanganin ang lagay sa batas.