LEGAZPI CITY – Umabot na sa 8, 500 ang nakabiyahe pabalik sa Albay mula sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at Overseas Filipino Workers (OFW) na nakauwi sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) batay sa hawak na tala ng provincial government.
Nakapasok ang mga ito sa borders na diretso sa mga quarantine facility ng mga munisipyo at lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danny Garcia, tagapagsalita ni Gov. Al Francis Bichara, kabilang rin sa tala ang mga nakabiyahe sa pamamagitan ng Albay Libreng Sakay Balik Probinsiya Program.
Subalit nilinaw naman ni Garcia na wala pang inilalabas na susunod na petsa para sa ikatlong batch nang uuwi dahil puno pa ang mga quarantine facility ng mga local government unit.
Maliban sa hinihinging health certificate at travel pass, dagdag na requirement ang pagsailalim sa rapid testing.
Paliwanag ni Garcia na kung magpositibo sa rapid testing, mananatili muna ito sa lugar ng 14-days para sa quarantine upang makaiwas sa posibilidad na makahawa habang nasa bus.
Giit pa ni Garcia na batay sa abiso ni Bichara, apela pa rin ang pagsunod sa community quarantine protocols sa pagbabalik sa lalawigan.