LEGAZPI CITY – Sumampa na sa 680 ang kabuuang bilang ng mga pasahero na naantala ang biyahe sa iba’t ibang pantalan ng Bicol dahil sa Bagyong Quinta.
Batay sa tala ng Coast Guard District (CGD) Bicol dakong alas-12:00 ng tanghali, nasa 288 rin na mga trucks at 14 na light vehicles ang pinigilan munang bumiyahe.
Pinakamaraming naitalang naantalang sasakyan sa Matnog Port sa Sorsogon na umabot sa 246 na trucks at pitong light vehicles.
Ito’y sa kabila ng una nang abiso ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol na pansamantalang pagsuspendi sa land travel ng mga patungong Visayas at Mindanao habang nagbaba rin ng kaugnay na abiso ang Land Transportation Office (LTO).
Samantala, limang barko rin ang stranded sa mga pantalan habang 32 naman ang nag-take shelter.