LEGAZPI CITY – Umabot na sa 620 mga indibidwal at 17, 168 sasakyan ang dumaan sa decontamination facility ng Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Office 5 bilang tulong sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Itinayo ang nasabing pasilidad sa Bicol University grounds kung saan dumadaan ang mga sasakyan partikular na ang mga ambulansya na ginamit ng mga pasyente o suspected cases sa nakakahawang virus.
Sinabi ni BFP Bicol Regional Director FSSupt. Renato Capuz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kahit inalis na ang pwersa sa mga checkpoints, nananatili naman umano ang partnership ng ahensya sa mga inilagay na COVID-19 facility sa mga local government unit.
Katuwang ang mga ito sa pag-disinfect ng mga dumarating na Locally Stranded Individuals (LSI) at lugar na tutuluyan ng mga ito sa bawat LGU para sa 14-day quarantine.
Tuloy-tuloy rin ang water rationing kung saan kailangan lamang na magpaabot ng request sa COVID-19 Task Force ng LGU upang maibigay ang pangangailangan.
Dahil kritikal ang trabaho ng mga tauhan, tiniyak naman ni Capuz na may tamang Personal Protective Equipment (PPE) ang mga ito at binigyan ng iba pang health essentials.