LEGAZPI CITY – Aabot sa mahigt 400 na mga baboy ang isinailalim sa depopulation dahil sa naitalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Irosin, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Provincial Veterinarian Dr. Ashley De Castro, halos nasa 30 mga hog raisers ang apektado na mula sa mga barangay ng Bolos at Bulawan.
Lahat ng baboy na pasok sa 500 meter radius ng ground zero ay isinama sa depopulation upang matiyak na makontrol ang pagkalat ng naturang sakit.
Ayon kay De Castro, naging maayos ang isinagawang operasyon dahil sa kooperasyon ng mga hog raisers na sakop ng 500 meter radius.
Tiniyak rin nito na bibigyan ng lokal na pamahalaan ng ayuda ang mga apektado ng ASF.
Samantala, sa mismong slaughter house ng bayan na-detect ang kaso ng ASF kung saan matapos katayin ang dinalang baboy mula sa naturang barangay nakitaan ito ng senyales ng naturang sakit.
Ikinaalarma ito ng meat inspector ng slaughter house kung kaya’t agad na ipinasailalim sa test ang blood sample ng baboy na kalauna’y lumabas na positibo sa ASF.
Agad namang nagsagawa ng aksyon ang bayan at inalam ang mga apektadong barangay upang mapigilan ang pagkalat ng sakit habang pansamantala munang ipinasara ang slaughter house para sa disinfection.
Pinaiigting na rin ang mga inilatag na checkpoints sa entry at exit points ng bayan upang matiyak na hindi na kumalat pa ang kaso ng ASF.