LEGAZPI CITY—Tinatayang nasa 3,750 na pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan ng rehiyong Bicol dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong.
Ayon kay Philippine Ports Authority Bicol Media Relations Officer, Achilles Galindes, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa Matnog port ay mahigit 2,800 ang mga pasahero, pahinante, driver ang mga na-stranded, sa Pio Duran ay nasa 500, sa Tabaco City mayroong 104, sa Bulan mayroong 52, sa Castilla ay mayroong 68, na kung saan ang lahat ng ito ay nasa labas ng pantalan.
Dagdag ni Galindes na ang mga nakaraang storm surge advisories ay nagtulak sa ahensya na ipagbawal ang pagtanggap ng mga pasahero sa loob ng mga pantalan.
Nagkaroon din aniya ng forced evacuation sa Tabaco port kung saan pansamantalang inilikas sa Tabaco National High School ang mga pasaherong patungong Catanduanes .
Ayon sa opisyal, may plano na rin aniya sa pamamagitan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan at pamahalaang panlalawigan ng Matnog na bumiyahe na ang mga priority vehicles patungong Northern Samar kung saan ito ay paunti-unti nang nakaposisyon sakaling maalis na ang suspension ng mga vessel trip.
Samantala, ayon pa sa kaniya, wala namang naitalang malaking pinsala sa mga pantalang sa Bicol.
Hinikayat din ni Galindes ang mga stranded na pasahero sa mga pantalan na habaan ang kanilang pasensya dahil sa pagdagdag ng kanselasyon sa mga byahe at huwag mag-atubiling lumapit sa mga awtoridad kung sakaling kinakailang ng kanilang tulong.