LEGAZPI CITY – Pumalo na sa 352 ang mga pasahero na naantala ang biyahe sa mga pantalan ng Sorsogon dahil sa Bagyong Ofel.
Kasalukuyang nakabandera ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa naturang lalawigan maging sa iba pang probinsiya ng Bicol kaya’t otomatikong nagkansela ng biyahe sa mga port.
Batay sa pinakahuling tala ng Coast Guard Station Sorsogon, karamihan sa mga ito ay mula sa pantalan ng Matnog habang dalawa naman ang stranded passengers sa Pilar port.
Pinigilan rin munang bumiyahe ang nasa 112 trucks, 21 light vehicles at dalawang barko.
Habang anim na iba pang barko ang nag-take shelter na muna.
Ngayong araw, inaasahang magdudulot ng katamtaman hanggang malalakas pang pag-ulan sa Bicol ang naturang sama ng panahon.