LEGAZPI CITY – Makakatanggap ng libreng tinapay ang mga indigent na pamilya sa Sorsogon mula sa nasa 238 local bakeries, sa gitna ng kinakaharap na krisis dahil sa coronavirus pandemic.
Sa tulong ng bread-sharing scheme ng provincial government sa pamumuno ni Governor Chiz Escudero, pinagkalooban ng tig-aapat na sako ng harina ang nasabing mga panaderya.
Mula ito sa donasyon na 1, 000 sako ng harina na may bigat na 25 kilos bawat isa, ng San Miguel Corporation.
Inspirasyon sa programa ni Escudero ang “Bread of Life: Bishop’s Bread Project” na inumpisahan ng Diyosesis ng Sorsogon kung saan kaagapay ang 42 bakeries sa Sorsogon, 30% ng mga tinapay ang libreng ipinamahahagi sa mga mahihirap.
Sinabi ni Dong Mendoza, tagapagsalita ng gobernador sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi News Team, nabiyayaan nito ang mga bakery sa bawat lokal na pamahalaan subalit bayan ng Casiguran ang may pinakamalaking bahagi sa 60 sako ng harina dahil sa bread-making program ng LGU.
Sa ilalim ng programa, napagkasunduan na 30% ng tinapay na magagawa mula sa donasyon na harina ang ilalaan sa mga indigent residents sa mga nasasakupang lokal na pamahalaan habang 70% ang ipagbibili ng bakery para sa dagdag na kita.
Ang local chief executive naman ang bahala na mamigay ng libreng tinapay.
Dahil doble hanggang triple ang hirap ng mga komunidad bunsod ng krisis, umaasa si Escudero na makakatulong ito sa pandugtong sa pangangailangan ng mga kababayan.
Samantala ayon kay Mendoza, magtutuloy-tuloy ang programa hanggang may suplay ng harina ang mga nasabing bakery.