(Photo by Catanduanes Police Provincial Office)

LEGAZPI CITY—Isinailalim sa random drug testing ang nasa 210 pulis sa lalawigan ng Catanduanes noong Lunes, Hulyo 14.


Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Lieutenant Colonel Rosalinda Gaston, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, taunang isinasagawa ang random drug testing kung saan layunin nitong makumpleto ang 100% negatibong resulta ng drug test sa 867 pulis sa buong lalawigan.


Sa kasalukuyan, may kabuuang 406 na pulis sa lalawigan ang sumailalim sa random drug testing at 461 na lamang ang natitirang hindi pa naaabot nito.


Aniya, dahil walang chemist sa kanilang lugar, ipinadala ang naturang mga drug test sa Regional Office upang malaman ang mga resulta nito.


Dagdag pa ni Gaston, umaasa ang bagong upo na Catanduanes PNP Provincial Director na si Police Colonel Elmer Cereno na magnenegatibo sa drug test ang mga pulis sa kanilang lugar.


Samantala, ang nasabing drug testing ay bahagi ng pagsunod sa Internal Cleansing Program ng PNP at alinsunod sa mga programa ng bagong administrasyon ng lokal na pamahalaan sa nasabing lalawigan.