LEGAZPI CITY – Isolated pa hanggang sa ngayon ang dalawang sitio sa Barangay San Ramon, Bulan, Sorsogon matapos na masira ang dinadaang spillway dulot ng walang patid na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bulan MDRRMO Head Anthony ‘Tony Boy’ Gilana, nagiba ang naturang spillway dulot ng malakas na ragasa ng tubig.

Napag-alamang ito lang ang tanging malapit na daanan ng mga residente ng naturang lugar papuntang sentro ng bayan.

Maaga namang binisita ni Sorsogon Governor Hamor ang lugar upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon at mabigyan ng ayuda ang mahigit 200 na apektadong residente.

Bagama’t hindi nakadiretso sa mismong lugar, hindi naman naging problema ang paghatid ng mga food packs.

Naglagay ng lubid ang mga residente at rescue group sa nagibang spillway upang maitawid ang relief goods.

Ayon kay Gilana, ngayong araw ay nakatakdang magkaroon ng pag-uusap ang lokal na gobierno ng Bulan at iba ang concerned agency upang talakayin ang mga gagawing hakbang at solusyon sa nagibang spillway.

Para kay Gilana, hinahangad nito na malagyan ng tulay ang naturang lugar upang wala ng problema ang mga residente sa pagtawid tuwing malakas ang ulan at mayroong pagbaha.