LEGAZPI CITY – Nasampahan na ng mga kasong double murder at frustrated murder ang nasa 24 na pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) na isinasangkot sa pagkasawi ng magpinsang Absalon sa Masbate City.
Kung babalikan, nagbibisekleta sina Nolven at Keith kasama ang isa pa, nang masabugan ng anti-personnel mine sa Brgy. Anas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt. Anselmo Prima, tagapagsalita ng Masbate Police Provincial Office, isinampa ang kaso sa City Prosecutor’s Office ng Masbate habang naghihintay pa ng progress report sa iba pang posibleng sangkot.
Kabilang sa mga kinasuhan si Mariel Suson, 22-anyos, isang licensed teacher at sinasabing anak ni Rogelio na kilala rin bilang Manong o Julio, na kalihim ng NPA Larangan 2 sa Bicol Regional Party Committee.
Una na itong inaresto sa hiwalay pang kaso.
Naniniwala naman ang pulisya na malakas ang mga nakalap na ebidensya sa tulong ng mga testigo, na magiging basehan sa pagbaba ng korte ng arrest warrant laban sa mga responsable.