LEGAZPI CITY – Arestado ang isang lalaki sa isinagawang PNP checkpoint dahil sa paglabag sa Sec 78 ng PD 705 o ang Revised Forestry Code.
Sa impormasyon mula sa Police Regional Office 5, una nang nakatanggap ng report ang Provincial Intelligence Unit ng Sorsogon Police Provincial Office tungkol sa isang kulay itim na kotse na may kargang agarwood o “Lapnisan” na bumabiyahe umano galing sa Brgy. Paco, Gubat, Sorsogon.
Agad na nagsagawa ng Intel-driven operation ang Provincial Intelligence Unit katuwang ang kapulisan ng Gubat PNP.
Inalerto rin ang mga nakatalaga sa lahat ng checkpoint areas, kung saan ito ay na-flagged down sa Barangay Buenavista, ng naturang bayan.
Positibong kargado ng limang (5) sako na naglalaman ng AGARWOOD chunks na tinatayang humigit kumulang sa 136 kilos na may market value na Php 2.7 million pesos.
Ang AGARWOOD (Lapnisan) na tinaguriang “wood of the Gods” ay isa sa mga pinakamahal na uri ng punongkahoy sa buong mundo at kabilang sa listahan ng DENR’s endangered/threatened Philippine plants kung kaya mahigpit na pinagbabawal ang pagbebenta nito.
Sa kasalukuyan, ang nasabing suspetsado ay nasampahan na ng kaukulang kaso kung saan walang pyansang nakatalaga para sa pansamantalang paglaya.
Kapag napatunayang nagkasala ay mahaharap sa pagkakabilanggo mula anim hanggang labindalawang taon at multang Php100,000.00 hanggang Php1,000,000.00.
Ang nakumpiskang Agarwood ay nasa kustodiya na ng DENR para sa kaukulang disposisyon.