LEGAZPI CITY—Higit sa 17 organisasyon sa lalawigan ng Albay ang nagpahayag ng kanilang partisipasyon sa isasagawang kilos-protesta na may temang “Lakaw Kontra Korapsyon” ngayong araw, Setyembre 21, bilang pakikiisa sa malawakang protesta laban sa katiwalian sa buong bansa.
Ayon kay Albay Movement Against Corruption Spokesperson Tet Riofante, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dadaluhan ang naturang aktibidad ng iilang religious groups, mga kabataan, mga propesyunal, mga magsasaka, mga kababaihan, at iba pang grupo at organisasyon.
Aniya, tinatayang nasa 350 hanggang 500 indibidwal ang lalahok sa kanilang gagawing kilos-protesta sa lungsod.
Dagdag pa ni Riofante, ang aktibidad an mag-uumpisa sa isang misa sa Redemptorist Church, Legazpi City; at magmamartsa sa iba’t ibang strategic na lugar para na rin magbigay ng impormasyon sa kung ano an paninindigan ng kanilang grupo sa naturang isyu.
Samantala, hinimok din ng opisyal ang iba’t ibang sektor ng komunidad na lumahok sa malawakang kilos protesta na nananawagan para wakasan na ang korapsyon at maibalik sa mamamayan ang perang ninakaw ng mga tiwaling opisyal sa bansa.