LEGAZPI CITY- Nakatakdang isailalim sa culling operations mamayang hapon ang nasa 136 na mga baboy sa bayan ng Pio Duran, Albay dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Pio Duran MDRRMO head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagpositibo sa ASF ang isa sa mga baboy sa Barangay Caratagan kaya nagpasya ang Department of Agriculture na isailalim sa culling operations ang mga alagang baboy sa 500 meter radius.
Ito ay upang maiwasan aniya na kumalat pa ang naturang virus na tumatama sa mga baboy.
Nabatid na maliban sa P5,000 na ipapaabot ng DA sa nasa 43 mga apektadong hog raisers ay naglalaan na rin ng pondo ang lokal na pamahalaan bilang karagdagang tulong sa mga ito.
Ayon pa kay Ordoña na patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga kinaiuukulan kung paano nakapasok sa naturang bayan ang ASF. Ang bayan ng Pio Duran ay isa sa mga pangunahing dinadaanan ng mga patungo sa lalawigan ng Masbate.