LEGAZPI CITY—Aabot na sa 11,000 indibidwal ang inilikas ng mga awtoridad sa lalawigan ng Sorsogon, kaugnay ng paghahanda sa bagyong Opong.
Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Engr. Raden Dimaano, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi nito na simula kahapon nang umaga ay inasikaso na ng mga residente ang paglikas nila at sa hapon ay sumunod din aniya ang mga residente mula sa mabababang lugar na maaaring bahain sa panahon ng paghagupit ng bagyo.
Dagdag pa ng opisyal, libu-libong pasahero at mahigit 100 sasakyan ang na-stranded sa Matnog Port.
Ayon kay Dimaano, nagpadala na rin ng essential goods ang provincial government ng Sorsogon para sa mga apektadong residente ng nasabing lugar, at mayroon ding aniyang naka-standby na mga iba pang items sakaling kinakailangan.
Pinayuhan ng opisyal ang publiko na sundin ang lahat ng babala ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan sa gitna ng kalamidad.