LEGAZPI CITY – Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na umabot na sa higit 11 million ang nakapag-enrol sa buong bansa para sa School Year 2020-2021.
Batay sa tala ng ahensya alas-5:30 ng Hunyo 15, pumalo na sa 11,014,839 ang total number of enrollees mula Kindergarten hanggang Grade 12, kabilang na ang ALS at non-graded learners with disabilities.
Mula sa naturang datos, nasa 10,667,882 na mag-aaral ang nakapag-enrol sa pampublikong eskwelahan at 329,656 sa pribado.
Ngayong araw naman Hunyo 16, magbubukas ang ahensya ng drop boxes at kiosks sa barangay halls o eskwelahan para sa mga magulang na walang access sa “remote means” ng komunikasyon.
Kukuha lamang ang mga ito ng Learner Enrollment and Survey Form (LESF) at isusumite sa enrolling officer.
Nitong Hunyo 1 nang pasimulan ng DepEd ang remote enrollment sa pamamagitan ng alternatibong pamamaraan kung saan hindi na kakailanganin ang pisikal na pagtungo at pagpapa-enrol sa paaralan kundi sa pamamagitan na lamang ng text, tawag, email at online messaging.