LEGAZPI CITY – Nagkaisa ang nasa 140 estudyante at staff ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mula sa apat na training schools sa Sorsogon sa pagtulong sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Kinabibilangan ito ng trainees na kumukuha ng kursong Bread and Pastry Production II, Dressmaking II at Tailoring NC II.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay TESDA Sorsogon Provincial Director Genero Ibay, magkakatuwang na nagtahi ang mga mag-aaral at staff ng tanggapan ng face masks habang ilan naman ay gumawa ng pilinut cookies at carrot cake na ipapadala sa Batangas.

Matapos aniyang mabatid ang ulat sa nagkakaubusan na suplay ng face masks sa lugar, naisipan ng mga ito ang naturang paraan ng pagtulong.

Umaapaw naman aniya ang kaligayagan ng mga mag-aaral na nagpagod lalo pa’t makakatulong sila sa nangangailangan.

Inspired rin aniya ang mga ito na dagdagan pa ang mga ginawa kaya’t nagrequest pa ng dagdag-materyales na gagamitin.