LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng Alliance of Health Workers (AHW) na hindi pa napapanahon na ipatupad ang boluntaryong pagsusuot ng facemask lalo pang nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease.
Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order no. 3 na magiging voluntary na lang ang pasusuot ng facemask sa outdoors.
Ayon kay AHW President Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahalaga pa rin na magkaroon ng prevention bilang proteksyon hindi lamang sa COVID-19 kundi maging sa iba pang sakit.
Aniya, kahit kasi boluntaryo, tiyak na maraming hindi na magsusuot ng face mask lalo pang mababa pa lang ang COVID booster coverage.
Ikinabahala rin ang naturang desisyon na maging dahilan ng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa gitna ng malalang ‘understaffing’ sa mga ospital.
Sinabi ni Mendoza, tiyak na wala ng healthworkers ang magtitiyagang magtrabaho sa oras na magkaroon na naman ng surge ng nakakahawang sakit dahil naranasan na ang 12 hanggang 16 oras na trabaho.
Aniya, dapat ay pinag-isipan ng mabuti kung ano ang magigng ‘pros and cons’ ng naturang desisyon.