LEGAZPI CITY- Iminungkahi ng isang Health Reform Advocate na bumuo ang pamahalaan ng isang national taskforce na tututok sa monkeypox virus lalo pa at isa na itong global health concern.

Ito matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng pinaka unang monkeypox case sa bansa.

Ayon kay Dr. Tony Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi na nakakapagtaka na makapasok sa Pilipinas ang naturang sakit lalo pa at isa ang bansa sa may pinakamaraming overseas contract workers at hilig bumiyahe ng mga Pinoy.

Dahil dito, kinakailangan aniya na mas palakasin pa ang surveillance, monitoring at pagsasagawa ng RT-PCR test gayundin ang pagpapaigting sa early detection at pagkakaroon ng quarantine facilities.

Dagdag pa ni Leachon na mahalaga na magkaroon ng international cooperated response upang mapadali ang procurement ng anti-viral drugs at monkeypox vaccines.

Makakatulong din ayon sa eksperto ang pagkakaroon ng solid plan ng pamahalaan upang mapaghandaan ang anumang sitwasyon.

Aniya mahalagang aral rin na natutunan sa COVID-19 pandemic ang involvement ng medical community na isa sa mga bahagi ng decision process ng pamahalaan.

Samantala, nakukulangan naman si Leachon sa clinical presentation ng DOH sa unang kaso ng monkeypox sa bansa at kakulangan nito sa strategic communications na makakatulong sana upang hindi maalarma ang publiko sa kasalukuyang sitwasyon.