LEGAZPI CITY- Hindi malayong makapasok sa Pilipinas ang monkeypox virus lalo pa at kumalat na ito sa maraming mga bansa.

Ito ang paniniwala ng isang Health Reform Advocate kaya maganda aniya ang naging pasya ng World Health Organization (WHO) na ideklara na ang sakit bilang global health emergency.

Ayon kay Dr. Tony Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, makakatulong ang naturang deklarasyon upang makapaghanda ang buong mundo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng coordinated response.

Aminado naman ito na hindi pa gaanong malawak ang kaalaman ng mga eksperto sa Pilipinas hinggil sa naturang virus at ngayon pa lamang nagsasagawa ng mga pag-aaral tungkol sa sakit.

Subalit kumpiyansa si Leachon na makakayanan itong harapin ng medical community kasabay sa suhestyon na pagkakaroon ng mas maraming infectous disease experts.

Dagdag pa nito na kinakailangang paigtingin pa ang information campaign upang maihanda rin ang publiko sa mga paghahanda na kinakailangang gawin.

Samantala, naniniwala rin ito na hindi pa kailangang magpatupad ng border control subalit dapat aniya na magkaroon ng surveillance study at kontrol gayundin ang pagpapatupad ng quarantine sa mga suspected cases.