LEGAZPI CITY- Nagbabala ang isang health expert na bagamat maaring makontrol ang sakit na pertussis ay maaari pa rin itong magdala ng panganib sa mga tatamaan nito.
Ito lalo pa na batay sa tala ay madalas na tamaan ng sakit ang mga sanggol.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mas madaling gamutin ang pertussis sa mga adults dahil nasasabi ng mga ito sintomas na nararamdaman kumpara sa mga bata na wala pang kakayanang makapagsalita.
Kaugnay nito ay pinag-iingat ng opisyal ang mga magulang laban sa naturang sakit dahil maaari umano itong mai-transmit sa kanilang mga sanggol.
Nagbabala si David na kahit pa hindi gaanong seryoso ang epekto ng naturang bacteria ay maaari pa ring magdulot ng pagkamatay sa mga sanggol kung mapapabayaan.
Batay sa tala ay bumababa na umano ang tinatamaan ng sakit subalit sinabi ng opisyal na maaari itong magbago lalo ngayong summer season.