LEGAZPI CITY- Naging matagumpay ang hardware acceptance test na isinagawa ng Commission on Elections sa nasa 20 na mga automated counting machines na dumating sa bansa.
Ayon kay Commission on Elections spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tatlo sa naturang mga makita ay gagamitin rin sa pag-demo ng komisyon sa Kapisanan ng mga Broadcasters ng Pilipinas.
Siniguro naman ng opisyal na lahat na 110,000 automated counting machines na darating sa bansa ay isasailalim sa hardware acceptance test at isasalang sa customization at configuration upang malagyan ng software o application.
Siniguro ng opisyal na hindi tatanggapin ng ahensya ang naturang mga makiha hanggang hindi nakakapasa sa hardware acceptance test upang masiguro na magiging ligtas ang boto ng mga Pilipino.
Nabatid na ang naturang mga makina ay direktang nanggaling sa planta ng Korean firm na MIRU sa Seoul, South Korea.
Samantala, sa kasalukuyan ay kumpiyansa si Laudiangco na on-track ang ahensya sa lahat ng mga proseso na isinasagawa kaugnay ng paghahanda sa 2025 elections.