Honest Sorsogon trike driver returns P34-K, earns praises


LEGAZPI CITY – Pinuri ng Seguridad Kaayusan Katranquilohan Kauswagan (SK3) sa Sorsogon ang isang tricycle driver matapos na maibalik sa isang pasahero ang naiwang wallet na may lamang P34,765.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SK3 Head Arnel Archinges, itinurn over ang naturang wallet sa kanilang opisina ng tricycle driver na si Charlie Ollaso, residente ng Brgy. Cabarbuhan, Bacon.

Agad namang nahanap ang may-ari na si Rohaima Laguindab na residente ng Euroville Subdivision sa Sorsogon ng magtungo rin sa opisina ng SK3 upang i-report ang nawawala niyang wallet.

Positibo naman itong kinilala ng tricycle driver at sakto rin ang sinabing halaga ng pera na laman ng naturang wallet.

Kaugnay nito, pinuri at pinasalamatan ng naturang opisina ang kabutihang ginawa ni Ollaso na lalo aniyang magpapataas sa morale ng mga tricycle driver sa lalawigan.

Ayon kay Archinges, kahit anong hirap ang pinagdadaanan sa buhay palagi pa ring piliin ang pagawa ng mabuti dahil wala namang maidudulot na kabutihan ang paggawa ng mali.

Umaasa rin ito na maging halimbawa si Olla sa iba na kahit gipit sa buhay hindi nasisilaw sa pera gaano man ang halaga.