LEGAZPI CITY- Umabot na sa 1,047 na mga pamilya o halos 5000 katao na ang inilikas sa Legazpi City.
Ayon kay Engr. Miladee Azur ang Head ng CDRRMO Legazpi sa interview ng Bombo Radyo Legazpi, as of 5pm ngayong araw, anim ng barangay sa lungsod ang kinailangan ng isailalim sa pre-emptive evacuation, kasama na rito ang Brgy. Ilawod, Cabangan, Rizal Street, Brgy Sabang, Buraguis at Brgy Lamba.
Isa umano ito sa paraan ng CDRRMO upang maiwasan na ang anumang hindi inaasahang insidente, partkular na ang mga lugar na highly at risk.
Kaugnay nito, binabantayan na rin ng ahensya ang hangin na dala ni Bagyong Paeng na posibleng makasira ng mga bahay na gawa sa light materials, at ang malakas na ulan na posibleng magresulta sa pagbaha.
Maliban pa rito, inilikas na rin ang ilang mga residenteng nasa coastal areas dahil sa posibleng banta ng storm surge.
Sa ngayon, posible pang madagdagan ang bilang ng mga malilikas lalo pa’t on-going pa ang sinasagawang pre-emptive evacuation sa 70-barangay ng Legazpi City na prone sa baha, landslide, at mga lugar na malapit sa dagat.