LEGAZPI CITY- Nakapagtala ng grassfire sa paanan ng bulkang Mayon sa bahagi ng Barangay Lidong, Sto. Domingo, Albay.

Ayon kay Bureau of Fire Protection Bicol spokesperson Fire Senior Inspector Edgar Tañajura Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na unang sumiklab ang sunog noong Mayo 4 at naapula kahapon ng madaling araw.

Subalit muli itong sumiklab kahapon na agad na narespundehan ng mga kinauukulan at muling naapula kagabi.

Sinabi ng opisyal na hindi makapasok ang fire truck sa naturang lugar dahil nasa 1,200 kilometers ang layo nito sa access road kaya naglakad lamang ang mga bumbero.

Isa sa mga istratehiya na ginawa nito ay ang paggawa ng fire line upang hindi na kumalat pa ang apoy.

Nabatid na nasa isang hektarya ang naapektuhan ng naturang grassfire na tinitingnan na dahil sa matinding init ng panahon at nagkaroon ng ignition source ang mga nakatambak na basura sa lugar.

Dahil dito ay nanawagan si Tañajura sa publiko na maging responsable lalo na ang pagtatapon ng mga upos ng sigarilyo na kawaraniwang pinagmumulan ng sunog ngayong matindi ang init ng panahon.

Samantala, ipinagpapasalamat naman ng opisyal na walan nasaktan sa insidente.