LEGAZPI CITY – Umabot sa kabuuang 39 na mga alagang baboy ang isinailalim sa depopulation ng lokal na pamahalaan ng Sta. Magdalena sa lalawigan ng Sorsogon matapos na makapagtala ng kaso ng African Swine Fever.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sta. Magdalena Mayor Mark Jewery Lozano, nagsagawa ng blood sampling sa dalawang barangay ng bayan noong Agosto 25 at lumabas sa resulta noong Setyembre 1 na positibo sa ASF ang apat na baboy mula sa Barangay San Roque.

Dahil dito, agad na nagpa-survey mula sa epicenter ng dalawang barangay at isinailalim sa electrocution ang naturang bilang ng baboy na nasa loob ng 500 meter radius zone.

Inilibing ang mga ito sa ipinagawang mass grave ng lokal na pamahalaan upang mapabilis ang monitoring.

Nakatakda rin na magsagawa ng blood sampling sa mga alagang baboy sa 12 pang barangay ng Sta. Magdalena sa darating na linggo upang malaman kung kumalat na ang ASF lalo pang nagkaroon ng mass movement mula sa Baragay San Roque.

Ayon kay Lozano, kailangan na malaman sa loob ng 30 araw kung saan naipagbili ang mga baboy mula sa naturang barangay upang makontrol ang pagkalat pa ng naturang sakit.

Base rin sa ipinalabas na Executive Order No. 14 na ipinagbabawal na ang pagpalabas ng baboy mula sa naturang bayan gayundin ang pagpapapasok ng mga buhay at processed pork products.

Samantala, sinasabing posibleng mga alagang wild boar o baboy ramo ang carrier ng ASF sa bayan dahil napag-alamang mga tira-tirang pagkain ang kinakain ng mga ito.