LEGAZPI CITY – Sumampa na sa 27 ang kabuuang bilang ng mga opisyal ng barangay sa Bicol na kinasuhan sa umano’y iregularidad sa distribusyon ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Inihayag ni PNP CIDG Bicol chief PCol. Arnold Ardiente sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinabibilangan ng apat na punong barangay, apat na barangay kagawad, barangay treasurers, health care at social workers.
Mula umano ang mga ito sa mga lalawigan ng Masbate, Albay at Sorsogon habang tuloy-tuloy pa ang case build-up sa ilan pang lalawigan.
Pangunahing reklamo laban sa mga naturang indibidwal ang splitting o pagpapabalik ng kalahati ng pera upang ibahagi sa iba pang residente na hindi naman kabilang sa listahan ng mga SAP beneficiaries.
Ayon kay Ardiente, nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at posible pang masampahan ng kasong administratibo.
Umaasa si Ardiente na maging deterrent na ang mga naturang hakbang ng PNP CIDG upang hindi na pamarisan ng iba.