LEGAZPI CITY – Umakyat sa halos 2,000 na pamilya ang inilikas sa Bicol dahil sa ilang araw na nararanasang sama ng panahon.
Habang nasa 101 na pamilya o 381 na indibidwal ang nakikituloy sa mga kamag-anak o kakilala at hotel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense Bicol spokesperson Gremil Naz, nananatili pa rin hanggang sa ngayon sa mga evacuation center ang nasa 1,845 na pamilya o 7,288 na indibidwal na apektado ng pagbaha at landslides.
Mula sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur ang naturang bilang ng mga evacuees.
Nakapagtala naman ng 22 flooding incidents sa 34 lokal na pamahalaan sa naturang mga lalawigan.
Nasa 11 na landslides naman ang naitala sa Albay, Camarines provinces at Catanduanes.
Karamihan ng mga kalsada sa Camarines Sur ay hindi madaanan o one lane passable lamang.
Ayon kay Naz nakaantabay ang local social welfare and development offices sa naturang mga lugarpara sa pangangailangan ng apektadong populasyon.
Umaasa si Naz na bumuti na ang lagay ng panahon upang walang mga residente na magdiwang ng Pasko sa mga evacuation center.
Samantala, sa ngayon hinihintay pa ng tanggapan ang kabuuang assessment ng mga lokal na pamahalaan para sa pinsala ng sama ng panahon sa sektor ng agrikultura sa rehiyon.