LEGAZPI CITY – Muling nanindigan ang lokal na pamahalaan ng Guinobatan na hindi ikokompromiso ang seguridad ng mga residenteng inilikas mula sa 7-8km extended danger zones ng Bulkang Mayon.

Ito’y matapos hingin ni Albay Governor Grex Lagman ang pagpa-decamp sa mga residenteng inilikas na wala naman sa 6km permanent danger zones.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Mayor Paul Chino Garcia, ngayong araw magkakaroon sila ng pag-uusap ng gobernador kasama si Sto. Domingo Mayor Jun Aguas upang marining ang paliwanag tungkol sa naturang usapin.

Mariing binigyang diin ni Garcia na hindi siya papayag na i-decamp ang mga residente mula sa Barangay Tandarura at Manilala na kasalukuyang nananatili sa evacuation center ng Barangay Mauraro.

Sinabi nito na mismong ang Office of Civil Defense Bicol ang makakapagpatunay na talagang delikado sa lugar matapos na magsagawa ng evaluation at inspection.

Napag-alaman kasi na dawalang malaking channel ng Mayong nakapagitna sa dalawang barangay na delikado para sa mga residente dahil sa mga posibleng bumagsak na volcanic materials kung sakali mang biglang pumutok ang bulkan.

Maliban pa dito, nangangamoy asupre na sa lugar na delikado sa kalusugan ng mga residente.

Ayon kay Garcia, magpapatupad lamang ng decampment kung i-anunsyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi na itataas sa Alert Level 4 ang bulkang Mayon at hindi na lalala ang sitwasyon.

Dagdag pa nito na sa paggawa ng desisyon sa ganitong mga seneryo ay hindi lang siyensya ang pinagbabasehan kundi dapat historically based din.

Inihayag ng alkalde na hindi pwedeng balewalain ang kaligtasan ng mga residente lalo na kung buhay ang nakataya.