LEGAZPI CITY – Muling umapela si Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease na payagan na ang pagbackride ng mga mag-asawa o immediate family members sa motorsiklo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garbin, ipinagpapasalamat nito ang pakikinig at pagtanggap ng IATF sa isinumiteng position paper isang buwan na ang nakakalipas.
Subalit kung matatagalan pa umano ang pagdedesisyon sa isyu, mas mahihirapan sa gastos ang mga pamilyang may motorsiklo lang naman sanang magagamit upang makatipid sa pera at oras.
Batay umano sa kanilang pag-uusap ni Presidential spokesman Harry Roque nitong weekend, nasa proseso na ng pagbuo ng guidelines para sa mga motorista ang IATF na posibleng abutin ng isa hanggang dalawang linggo.
Malinaw rin umano na nakalagay sa isinumiteng position paper na ang may mga filial relationships ay mai-exempt rin sa backride policy.
Upang payagan na makabiyahe kung sakali, kailangan pa ring sundin ang minimum health standards maliban na lamang sa social distancing.
Dagdag pa ni Garbin na siguruhin rin na may dalang kopya ng marriage certificate sa mga mag-asawa at birth certificate sa mga anak.