LEGAZPI CITY—Nagpahayag ng pagkadismaya ang grupong Rise Up for Life and for Rights sa panukalang isailalim sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang kaso sa war on drugs.


Ayon kay Rise Up for Life and for Rights Coordinator Rubilyn Litao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikinalungkot at ikinadismaya nila na 15 sa mga senador ang bumotong pabor na isailalim sa house arrest ang dating Pangulo.


Binigyang-diin niya na ang mga pamilya ng mga namatay sa war on drugs ang tunay na biktima sa naturang usapin at hindi si Duterte.


Dagdag pa ni Litao na ang panukalang isailalim sa house arrest si Duterte ay malinaw na may impluwensya pa rin ito sa Senado at isang banta sa seguridad ng pamilya ng mga biktima ng war on drugs.


Nanawagan din ang kanilang grupo sa mga senador na manindigan sa katotohanan at igalang ang proseso sa International Criminal Court dahil may sarili itong paraan sa pagkamit sa hustisya ng mga biktima ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.