
LEGAZPI CITY – Hinikayat ng Grupong Piston ang mga Pilipino na maki-isa sa ikakasa nindang nationwide transport strike and people’s protest sa darating na Huwebes, Marso 19 dahil sa sunod-sunod at malaking pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay PISTON President Mody Floranda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakita nila ang protesta bilang solusyon upang kalampagin ang gobyerno na ipawalang-bisa ang oil deregulation law at iba pang buwis na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
Inamin din niya na ang P5,000 na fuel subsidy at ang inaprubahang dagdag-pasahe ay makakatulong din ngunit mawawalan ito ng saysay kung hindi malulutas ang kasalukuyang krisis na kinakaharap ng kanilang sektor.
Hindi rin niya isinasantabi ang posibilidad ng pansamantalang pagkaparalisa ng transportasyon sa ilang lugar sa National Capital Region sa Huwebes dahil inaasahan nilang sasali ang iba’t ibang transport at commuter’s group sa nationwide transport strike and people’s protest.
Hiniling din ng opisyal na ang pagtaas ng minimum wage ay samahan ng fare hike upang hindi magdusa ng malaking pagkalugi ang mga jeepney drivers at kayanin ng mga ordinaryong manggagawa ang mas mataas na gastos sa transportasyon.
Binigyang-diin din ni Floranda na kung pagsasama-samahin nila ang kanilang kita na napunta sa mga produktong petrolyo, maaari itong umabot sa humigit-kumulang P3,500 kada araw na magiging malaking tulong sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.










