LEGAZPI CITY- Nilinaw ng grupong Manibela na wala pang plano ang kanilang hanay na magsagawa ng tigil-pasada sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Manibela President Mar Valbuena sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na bagamat nagkakaroon ng mga kilos-protesta ay hindi pa ikinokunsidera ang transport strike.
Sa kabila nito ay inamin ng opisyal na mayroong mga jeepney drivers na nais munang maghanap ng ibang pagkakakitaan dahil sa maliit na kita sa pamamasada.
Kinumpirma rin ng grupo na may nakarating na ulat sa kanila na mayroon ng gasoline station na nagpatupad ng P105 ang kada litro ng diesel, bagay na kinuwestyon ng naturang transport group.
Dahil dito ay sinabi ni Valbuena na tila wala umanong pangil ang Department of Energy sa pagpapanagot sa mga mapagsamantalang oil companies.
Aniya, kung ang mga mahihirap na mga drivers ang hindi sinasadyang nakapagsingil ng mahal na pamasahe ay agad na ini-isyuhan ng show cause order at pinapanagot subalit kung ang mga oil companies ang gumagawa ng pang-aabuso ay tila pawang warning lamang ang natatanggap ng mga ito.











