bigas
bigas

LEGAZPI CITY—Tinawag ng grupong Bantay Bigas ang “Benteng Bigas Meron Na” na programa ng gobyerno bilang bagong “band-aid solution” na kasalukuyang ipinatutupad sa bansa.


Layunin umano ng nasabing programa na i-regulate ang presyo ng bigas sa merkado.


Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na wala namang nagagalaw sa presyo ng nasabing produkto, ngunit nananatiling mataas pa rin ang presyo nito.


Sa kabila umano na ito ay ang pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, nagtataka ang opisyal kung bakit kailangang pilahan ito ng mamamayan.


Matatandaang ang P20 na bigas ay mabibili lamang sa Kadiwa centers at hindi pa nakakarating sa mga matataong lugar.


Maliban dito, nanawagan din ang kanilang grupo na dapat ipawalang-bisa ang Republic Act 11203 o ang Rice Liberalization Law dahil tinanggal nito ang subsidized na presyo ng bigas sa merkado at inilipat ito sa mga Kadiwa centers kung saan limitado lamang ang saklaw nito.


Naniniwala rin siya na hindi magtatagal ang programa dahil limitado ang volume ng P20 na bigas na naibenta dahil ang mga ito ay iyong hindi naipagbili sa kasagsagan ng pagpapatupad ng food security emergency ng bigas.


Hinamon din ni Estavillo ang mga nanalong Senador at kongresista ngayong eleksyon sa kung paano nila maipapanatili ang mababang presyo ng bigas.


Samantala, patuloy ang panawagan ng grupo sa gobyerno na tugunan at bigyang-prayoridad ang pangangailangan ng mga lokal na magsasaka lalo na ang may kinalaman sa sektor ng agrikultura sa bansa.