LEGAZPI CITY – Nanawagan ang grupong Ban Toxics sa mga ospital na maging responsable sa pagtatapon ng mga medical waste.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ban Toxics campaigner Thony Dizon, sinabi nito na nadiskubre ng kanilang grupo na maraming mga ospital sa Pilipinas ang hindi nakakasunod sa standards sa waste disposal.
Dahil dito ay hindi aniya maiwasan na may mga medical waste tulad ng face mask, gloves at protective equipment na nakakasabay sa ibang mga basura na nakakarating sa mga sanitary landfill.
Mapanganib umano ang ganitong mga hakbang dahil ang mga medical wastes ay posibleng kontaminado ng virus o bacteria na posibleng magdulot ng sakit sa mga tao o kontaminasyon sa tubig.
Dahil dito ay nanawagan ang grupo sa mga ospital na gumawa ng mga pasilidad na magdi-disinfect sa mga basura bago itapon.
Samantala, nakikipagtulungan na umano ang Ban Toxics sa Department of Environment and Natural Resources para sa pangangampanya sa tamang pagtatapon ng medical wastes.