LEGAZPI CITY – Nananawagan ang grupo ng mga pork producers sa Senado na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa planong pagbaba ng taripa sa mga imported pork products.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nicanor Briones, vice president ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc., ipinagtataka nito kung bakit isinusulong ang pagbaba ng taripa lalo pa’t ikalulugi ito ng pamahalaan.

Tinataya kasing aabot sa P14-billion ang posibleng mawala sa kita ng gobyerno oras na maipatupad ito.

Mas kailangan aniya ng perang makokolekta sa taripa para maitulong sa mga naghihirap na mga magbababoy at nang matigil na ang pagkalat ng African Swine Fever.

Nilalayon ng pagbaba ng taripa na remedyohan ang kakulangan sa suplay ng baboy sa pamamagitan ng pagpapalakas ng importasyon sa bansa.

Subalit binigyang-diin ni Briones na malinaw na ang agenda nito, ay upang tulungan anh mga importes at hindi ang mga apektadong hog raisers sa Pilipinas.