LEGAZPI CITY—Nababahala ang isang grupo ng mga nurse matapos alisin ng Department of Education ang nursing sa listahan ng “professional degree” programs sa ilalim ng federal student loan policies sa Estados Unidos.
Ayon kay Filipino Nurses United Secretary General Jocelyn Andamo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tiyak na may implikasyon ito sa propesyon at maging sa health care ng mga mamamayan ng nasabing bansa.
Aniya, maaari rin itong makaapekto sa mga Pilipinong nurse sa US dahil sa epekto nito sa accessibility sa pag-loan para sa kanilang career advancement.
Gayundin na posibleng makaapekto ito sa kakulangan ng mga nurse na naglilingkod sa mga underserve o remote areas sa Estados Unidos.
Dagdag pa niya na ito ay bahagi ng ipinasang batas sa ilalim ng administrasyon ni US President Donald Trump na “One Big Beautiful Bill Act”, kung saan ay may mga probisyon upang bawasan ang kanilang pondo para sa ilang mga subsidiya na para sa kalusugan, edukasyon, at iba pang mga serbisyong pampubliko.
Sa ilalim ng batas, hindi mabibigyang sapat na serbisyo sa kalusugan at ibang social service ang mga low-income groups kabilang ang People of Color at Filipino-American Citizens kung sakaling kumuha sila ng advance studies katulad ng nursing.
Binigyang-diin din ni Andamo na hindi lamang ito problema ng mga mamamayan sa Estados Unidos kundi problema rin ng bawat Pilipino dahil binabawasan ng gobyerno ng ibang mga bansa at maging ng Pilipinas ang mga subsidiya para sa public healthcare at healthcare workers.
Samantala, nanawagan din ito na dapat ay magkaisa upang muling maibalik ang nursing sa listahan ng “professional degree” programs dahil ito ay tama at nararapat lamang.











