
LEGAZPI CITY – Sinusuportahan ng grupong Muslim ang plano ng lokal na pamahalaan ng Legazpi na magtayo ng isang halal-certified slaughterhouse.
Ayon kay Bicol Muslim President Al Amin Hassan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi lamang Muslim community ang makikinabang dito at isa itong magandang pagkakataon dahil posibleng nang mag-export ng mga halal na pagkain.
Binigyang-diin niya na ang halal certified foods ay mahalaga sa kalusugan dahil siguradong matatanggal nito ang lahat ng kontaminadong dugo na maaaring magdulot ng sakit sa mga kumakain nito.
Nakakapagod aniya sa kanilang panig dahil sila ang bumibili ng mga buhay na hayop na kanilang kinakatay para lamang matiyak na malinis at ligtas ang kanilang kinakain.
Aniya, sa pamamagitan ng nasabing hakbangin, hindi na sila mahihirapan sa pagpili ng karneng kakainin dahil mayroon nang sariling katayan ang Muslim community sa lungsod.
Nakikipag-ugnayan na sila sa Local Government, City Veterinarian, National Meat Inspection Service (NMIS) office para aprubahan ang mga dokumento para sa pagtatayo ng nasabing gusali.
Hindi rin sila pinapayagang magbenta ng halal certified meat sa mga pamilihan hangga’t hindi ito dumaan sa Department of Industry.
Umapela si Al Amin Hassan sa publiko na tangkilikin ang mga halal na pagkain dahil dumaan sila sa mahigpit na proseso upang matiyak na malinis at ligtas itong kainin.