LEGAZPI CITY – Plano ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas na maglunsad ng isa pang fishing expedition sa West Philippine Sea bilang protesta sa mga panghaharass ng China.
Kasunod ito ng kauna-unahang ekspedisyon na inilunsad ng grupo sa Masinloc, Zambales.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Hicap ang Presidente ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, naging matagumpay ang kanilang fishing expedition kung saan ligtas na nakapangisda ang kanilang grupo.
Subalit hanggang 10 nautical miles lamang ng naabot nito malayo sa target na 30 nautical miles dahil sa naranasang malakas na hangin at mataas na alon sa dagat.
Dahil dito, plano ng grupo na maglunsad ng isa pang ekspedisyon na target ng makalapit sa exclusive economic zone ng Pilipinas kung saan nagbabantay ang mga barko ng China Coast Guard at mga maritime militia vessels.
Samantala, mahigpit naman na kinondena ng grupo ang patuloy na mga panghaharass ng China sa mga barko at bangka ng Pilipinas, gayundin ang pagpapatupad nito ng fishing ban kahit pa sa teritoryo ng bansa.