West Philippine Sea
West Philippine Sea

LEGAZPI CITY—Inihayag ng isang grupo ng mga mangingisda na desperado at hipokrito ang gobyerno ng China kaugnay sa planong pagpapatayo umano nito ng marine nature reserve sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.


Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), Chairperson Pando Hicap, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, idiniin niyang walang lugar at karapatan ang China pagdating sa nasabing katubigan.


Aniya, hipokrito ang dahilan ng China tungkol sa pagpreserba sa Scarborough Shoal dahil sila mismo ang sumisira sa karagatan sa lugar katulad ng pagtatayo ng artificial island, ilegal na pangingisda, at iba pa.


Dagdag pa ni Hicap, hindi katanggap-tanggap at walang legal na basehan na gawing pag-aari ng China ang naturang dagat dahil ang Scarborough Shoal ay nasa 124 nautical miles ang layo mula sa Zambales kumpara sa mahigit 500 nautical miles na layo ng pinakamalapit na isla ng China sa Pilipinas.


Kailangan din umano ang isang malawakang pagkondena ng buong mundo sa mga ilegal na aktibidad ng China sa WPS upang maiwasan ang anumang komprontasyon dito.


Samantala, nanawagan ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat pabayaan ang mga ilegal na aktibidad ng China sa WPS at dapat din itong aksyunan, gayundin an dapat gampanan ang mandato ng Konstitusyon na ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa mga dayuhang nagtatangkang umangkin sa mga teritoryo ng Pilipinas.