LEGAZPI CITY – Suportado ng grupo ng mga mangingisda ang pinirmahanng Reciprocal Access Agreement ng Pilipinas at Japan sa harap ng lalong lumalalang tensyon sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Leonardo Cuaresma ang Presidente ng New Masinloc Fisherman’s Association, tama lamang na makipag-alyansa ang Pilipinas sa malalakas na bansa upang maproteksyonan ang mga Pilipino.
Bilang mga mangingisda na isa sa unang naapektohan ng tensyon sa West Philippine Sea, umaasa ang grupo na makatutulong ang hakbang na ito upang mabawasan ang mga panghaharass ng China.
Ayon kay Cuaresma, simula ng ipatupad ng China ang fishing ban at “no trespassing policy” humina na ang kanilang kabuhayan dahil hindi na nakakapagpalaot pa sa Bajo de Masinloc sa pangamba maaresto ng mga Chinese.
Ngayon na may agreement na ang Pilipinas sa Japan, umaasa ang grupo na magagawan na ng hakbang ng gobyerno ang problemang ito ng mga mangingisda.
Subalit panawagan rin ng New Masinloc Fisherman’s Association sa gobyerno na maghinay-hinay at mag-ingat sa mga desisyon upang hindi naman mauwi sa mas malalang sitwasyon ang mga nangyayari.