
LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng coastal protest ang grupo ng mga mangingisda sa Manila Bay upang kalampagin ang halos pitong magkakasunod na linggong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) Secretary General Salvador France sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bukod sa grupo ng transportasyon, karaniwang apektado rin ang kanilang sektor sa pagtaas ng presyo ng gasolina na nagpapaikli sa oras ng kanilang paglalayag.
Ipinaliwanag niya na hindi na kayang bayaran ng mga mangingisda ang labis na pagkonsumo kaya dapat ipatupad ng gobyerno ang mga naaangkop na aksyon tulad ng pagtatakda ng price ceiling o pagbabawas ng taripa na naglilimita sa mga konsyumer.
Aniya, dahil sa pagbaba ng kanilang oras ng paglalayag bunsod pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, maaaring ito ang dahilan ng pagbaba ng produksyon ng isda na maaaring makaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin ng opisyal na mula P1,500 hanggang P2,000 na kita bawat biyahe, umaabot na ngayon sa humigit-kumulang P700 ang nakukuhang ibinabalik ng isang ordinaryong mangingisda sa kanyang pamilya dahil sa mataas na konsumo ng gasolina.
Nagbabala rin si France na tulad ng “tigil pasada” ng transport group, maaaring mangyari rin ang “tigil palaot” lalo na kung hindi kikilos ang gobyerno sa mga problema ng mga sektor na nagpapakain sa kanila.









